TATLO ang nalagas habang isa naman ang nasugatan nang sumalpok ang kanilang sinasakyang kotse sa isang umaatras na trak sa Ilocos Sur, kaninang Sabado ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sanhi ng pinsala sa katawan ang nagmamaneho ng kotse na si Antonio Pamo, mga sakay nitong sina Jaymar Pamo at Rudolph Valentino Sistoza na pawang mga taga-Arnap, San Ildefonso.
Nasa intensive care unit (ICU) naman ng isang ospital ang isa pang sakay ng kotse na si Wilson Domenden na nagtamo rin ng pinsala sa katawan.
Nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa patong-patong na kaso ang drayber ng Isuzu trak na nakilalang si Marlon Brando Nieto, ng Guerrero, Dingras, Ilocos Norte.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 3 a.m. sa national highway ng Brgy. Guimod, Bantay, Ilocos Sur.
Ayon sa Bantay municipal police station, bago ang aksidente ay umaatras ang trak ni Nieto sa nasabing highway nang biglang sumalpok ang Nissan Sentra na minamenho ni Pamo sa ilalim ng chasis ng trak.
Rumesponde naman agad ang mga tauhan ng Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para alisin ang mga naipit na biktima sa loob ng kotse.
Ito na ang ikalawang malagim na aksidente na nangyari sa Ilocos Sur na noong November 30 ay apat ang namatay nang sumalpok ang kotse sa isang armored car sa bayan ng Narvacan. BOBBY TICZON