NASA 13 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS Inspired Group) ang namatay sa isang airstrike na inilatag ng Kato Detachment ng 57th Infantry Philippine Army sa Sitio Makun, Brgy. Maitumaig, Datu Unsay Maguindanao alas-10:00 kagabi.
Dalawang Agusta 109 attack helicopters ng Philippine Air Force ang bumomba sa BIFF habang nagpakawala rin ng mga bala ng 105 mm. howitzers cannon ang ground force ng militar sa lugar na nagtatago ang mga terorista.
Natapos ang airstrike alas-2:00 ng madaling-araw kanina matapos umatras ang mga rebelde.
Bago pa man umatake ang BIFF ay natunugan na sila ng mga sundalo at lumikas na ang mga sibilyan na karamihan ay Teduray.
Sinunog din ng mga terorista ang tatlong bahay ng mga sibilyan na gagawin sanang pananggalang (human shield), ngunit una nang lumikas.
Kinumpirma ng mga lider ng katutubong Teduray na mahigit 10 ang nasawi sa BIFF at marami ang nasugatan.
Ngunit ayon kay BIFF Spokesman Abu Misry Mama, may nasawi at nasugatan din sa mga sundalo.
Pero tinawanan lamang ito ng militar at sinabing nanaginip lamang ang tagapagsalita ng mga terorista.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng AFP laban sa BIFF sa Maguindanao. BOBBY TICZON