SINIBAK na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Oscar Albayalde kaninang Biyernes ng umaga si Mandaluyong City police chief Sr./Supt. Moises Villaceran, Jr. at 10 sa kanyang tauhan na nasangkot sa isang shooting incident sa lungsod na ikinamatay ng dalawang katao at ikinasugat ng dalawa pa.
“We have ordered the administrative relief of the 10 including the team leader. For the meantime, the chief of police of Mandaluyong was also relieved,” pahayag ni Albayalde sa isang press conference.
Nang tanungin kug may ‘lapses’ sa parte ng mga rumespondeng police officers, “Sa tingin ko ay mayroon.”
“Halos 36 shells ‘yung na-recover natin. We’ll see (if there is a lapse but) we are not discounting the fact na may paglabag ng police operational procedures,” pahayag pa nito.
Idinagdag pa ni Albayalde na posibleng may overkill sa parte ng mga pulis pero dahil nabigyan sila ng maling impormasyon ay sisilipin din natin.
“Sinabihan sila na armado ‘yung nasa sasakyan kaya bumaril sila,” sambit pa nito.
Sinabi ng NCRPO chief na ang mga barangay tanod na naunang nagpaputok ay isasailalim din sa imbestigasyon.
Sa nasabing insidente, dalawang katao ang nalagas habang dalawang iba pang ang nasugatan nitong Huwebes ng gabi nang paulanan ng Mandaluyong City watchmen at police officers ng putok ang isang puting Mitsubishi Adventure na inakala nilang isang getaway car.
Ang sinasabing “getaway car” ay ginamit na sasakyan para itakbo sa ospital ang isang shooting victim na nakilalang Jonalyn Ambaan. Nauna dito, umawat lamang si Ambaan sa isang argumento nang barilin siya ng isang LPG delivery man sa may Brgy. Addition Hills, dakong 10:20 p.m.
Kasama nito ang kanyang kaibigang si Jomar Hayawon na sa kasamaang-palad ay napatay sa mga putok ng baril na ipinutok ng mga pulis at barangay tanods.
Sa pagsisiyasat, inakala pala ng mga barangay watchmen na ang suspek na bumaril kay Ambaan ang siyang nakasakay sa SUV at nagtatangkang tumakas.
Sa pagresponde ng mga pulis, sinabihan sila ng mga watchmen na ang naturang SUV ay sakay ang armadong suspek at nang makitang binabaril ng mga tanod ay sumali na rin at pinutukan ang sasakyan.
Sa kasamaang-palad, napatay si Ambaan sa pangraratrat kasama si Hayawon.
Sugatan naman ang iba pang sakay ng SUV na nakilalang sina Eliseo Aluad, Jr. at Danilo Santiago.
Nasa kustodiya na ang 10 police officers na sangkot sa insidente, pahayag ni Albayalde.
Kung mapapatunayan naman na may kasalanan ang mga sangkot na pulis, maaaring maharap si Villaceran Jr. sa kasong homicide o murder. BOBBY TICZON