NASAKOTE ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dalawang hinihinalang babaeng mandurukot sa simbahan ng Quiapo sa Maynila.
Kinilala ang mga naarestong sina Roseta Macato at Marilyn Oyong.
Nabatid na habang nasa pila ng pahalik sa Nazareno ay dinukutan ng dalawa ang biktimang si Cristy Cortez.
Sinabi ni Supt. Arnold Thomas Ibay, hepe ng MPD Station 3, bahagyang nagkagulo sa pila ng pahalik nang mapansin ng biktima na dinudukutan siya.
Dito na nagsisigaw ang biktima dahilan upang magkaroon ng komosyon sa lugar.
Hinabol naman ng mga miyembro ng citizen crime watch ang mga suspek at nabawi dito ang cellphone ng biktima.
Paalala naman ng pulisya sa mga magtutungo sa Quiapo ngayong araw hanggang sa pista ng Nazareno na huwag magdala ng mga mamahaling gamit tulad ng mga cellphone at alahas upang makaiwas sa pandurukot at snatching.
Gayunpaman, tiniyak ng MPD ang mahigpit na seguridad na kanilang ipatutupad sa taunang Traslacion. JOHNNY ARASGA