MAHIGPIT na ang seguridad sa paligid ng Quirino Grandstand ngayong umaga.
Daang-daan deboto na rin ang matiyagang pumila na ang karamihan ay kahapon pa nag-antabay sa Quirino Grandstand sa kagustuhang mauna sa pila ng pahalik na inasahang madaling-araw pa ito uusad.
Gayunman, itinakda dakong alas-8:00 ng umaga pa idadaos ang pahalik sa imahe ng Poong Itim na Nazareno kaya naman marami sa mga deboto ang nagulat sa pagbabago ng oras ng pahalik.
Ganap na alas-7:00 ngayong umaga nagdaos din ng kauna-unahan o eksklusibong misa sa kasaysayan ng Traslacion para sa mga volunteers ng Pista ng Itim na Nazareno.
Ang misang ito ayon kay Alex Irasca, isa sa mga opisyal ng organizing committee ng taunang traslacion, ay upang mabigyan ng oportunidad ang mga volunteers na maranasan ang biyaya ng Señor Nazareno.
Partikular na iniaalay ang banal na misa sa mga pwersa ng pamahalaan partikular sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Gayundin sa mga volunteer mula naman sa pribadong sektor kabilang ang mga kawani ng media na magcocover ng okasyon at ang mga medical professionals.
Pagkatapos ng banal na misa na pangungunahan ni Fr.Douglas Badong, Parochial Vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ay saka naman bubuksan ang pila para sa pahalik. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN