NAGPAPATRULYA ang mga kawani ng Brgy. Old Balara, Quezon City kagabi, January 11, nang mapansin nila ang isang nakaparadang taxi sa tabi ng kalsada sa tapat ng MWSS.
Nakabukas ang passenger side door ng taxi at sa labas nito ay nakatayo ang isang babae.
Agad na naghinala ang mga kawani ng barangay kaya naman nilapitan nila ito.
Naaktuhan nilang may hinulog ang babae mula sa kanyang nakahalukipkip na mga braso at nang tingnan ito ay nakitang isa pala itong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Agad na dinala sa himpilan ng Brgy. Old Balara ang babae at taxi driver para i-blotter.
Dahil hindi naman naaktuhan na nagtatransaksyon ang dalawa ay pinakawalan din ang taxi driver.
Ngunit teorya ng mga taga-barangay, gumagamit ng iligal na droga ang driver batay sa hitsura nito. Nakitaan rin ng lighter ang driver na walang cap na kadalasang ginagamit bilang drug paraphernalia.
Samantala, wala naman sa drugs watch list ng barangay ang babae.
Batay umano sa mga residente sa lugar, dati nang nagtutulak ng droga ang suspek ngunit nagtago nang magkaroon ng Oplan Tokhang at ngayon lamang bumalik sa pagbebenta ng droga.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang babae na nakapiit sa detention facility ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6. JOHNNY ARASGA