SAN FERNANDO, LA UNION – Limang magkakapatid na bata ang na-rescue ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-1 mula sa kanilang ina na umano’y gumagamit sa kanila bilang tulak ng iligal na droga sa Purok 3, Brgy. Sevilla, San Fernando sa nasabing lalawigan kahapon, January 14.
Kinilala ang PDEA-RO1 ang suspek na si Catherine Aballe, ng nasabing barangay.
Samantala, ang kasama ng suspek na si Ryan Mangilinan ay binitbit din at dinala sa opisina ng PDEA-RO1.
Sa imbestigasyon, nakatanggap ang intelligence report mula sa concerned residents mula sa nasabing barangay na si Aballe ay ginagamit ang mga anak na menor-de-edad upang makapagbenta ng shabu sa kanilang lugar at kalapit-barangay nito.
Agad na nagsagawa ng surveillance ang PDEA-RO1 at agad na inaresto ang suspek kasama si Mangilinan na nasa akto pang humihithit ng shabu sa loob ng kanilang bahay.
Ayon sa awtoridad, 11-anyos lamang ang panganay na anak nito at ang bunso ay isang taon pa lamang.
Ang mga bata sa ngayon ay nasa pangangalaga ng San Fernando City Social Welfare and Development Office (DSWO) at kasalukuya naman na kakakulong si Aballe at kinakasama nito sa PDEA-RO1 detention cell at nahaharap sa kasong anti-illegal drug act. ALLAN BERGONIA