OSPITAL ang binagsakan ng dalawang magkaibigan matapos pagtulungang bugbugin ng anim na kalalakihan habang nag-iinuman ang mga una sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.
Ginagamot sa Manila Central University Hospital sina Michael John Lugto, 19anyos, ng Milagrosa St., at Wiljake Bragamonte, 19-anyos, ng P. Gomez St., kapwa ng Bagong Barrio ng lungsod, sanhi ng mga bugbog sa katawan.
Pinaghahanap naman si Allen Borja at limang kasama nito na hindi pa nakikilala.
Sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling araw, nag-iinuman ang mga biktima sa NDR, Bagong Barrio, ng lungsod nang dumating ang mga suspek at pinagtulungan bugbugin ang mga dalawa.
Halos wala nang malay ang mga biktima nang iwan ng mga suspek na agad na tumakas.
Inaalam na ang kung ano ang atraso ng mga biktima sa mga suspek.
Samantala, sama-samang binitbit sa presinto ang 10 katao kabilang ang tatlong babae matapos magrambulan sa loob ng bar sa Caloocan City Miyerkules ng madaling araw.
Kasama ang assistant manager na si Jayjay Coloma ng Padi’s Point Bar and Restaurant sa Rizal Avenue Ext., ng lungsod ang dinala sa presinto matapos makipagrambulan sa pitong costumer ng nasabing bar.
Batay sa ulat, dakong alas-4:00 ng madaling araw, nakatalo ng mga tauhan ng nasabing bar ang pitong costumer hanggang sa magrambulan.
Ilang gamit ng bar ang napinsala at nang respondehan ng mga pulis ay sama-samang dinala sa presinto ang mga sangkot sa gulo.
Inaalam na kung sino ang nagsimula at dahilan ng rambulan.