NAGPOSITIBO sa paggamit ng iligal na droga ang 293 na miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sa record na inilabas ng PNP Internal Affairs Service, napag-alaman na karamihan sa nasabing mga pulis ay gumagamit ng shabu base sa resulta ng ginawang drug test sa 180,000 na mga opisyal at miyembro ng pambansang pulisya.
Ang resulta ay base sa ginawang surprise drug tests sa mga pulis mula noong July, 2016 hanggang sa huling quarter ng 2017.
Tiniyak naman ng liderato ng PNP na tuloy pa rin ang random drug tests bilang bahagi ng kanilang paglilinis sa kanilang hanay.
Ang mga pulis na magpopositibo sa drug tests ay isasalang sa confirmatory test at kapag sila ay muling nag-positive dito sila ay mahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal at posible rin na mapatalsik sa puwesto.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaagad na kakasuhan at sisibakin sa posisyon ang mga alagad ng batas na mapapatunayang adik sa ipinagbabawal na gamot. JOHNNY ARASGA