ARESTADO ang dalawang hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang babae sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis kung saan nakumpiska sa mga ito ang shabu, ectasy at liquid ecstasy sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police deputy chief for adminitrastion Supt. Ferdinand Del Rosario ang mga naarestong suspek na sina Yuki Rose Shibata, 24 ng 27 Kundiman West Ave. at Gillian Claude Villahermosa, 25, ng 14 Catleya St., Maligaya Subd., Fairview, kapwa ng Quezon City.
Ayon kay Supt. Del Rosario, ikinasa ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa pangunguna ni PSI Allan Hernandez ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa kahabaan ng Samson Road, Brgy. 78 harap ng Nice Hotel alas-2:30 ng madaling-araw na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.
Nakekober ng mga pulis sa mga suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang transparent plastic sachet ng blue grains ng hinihinalang ectasy, isang transparent plastic na naglalaman ng tatlong asul na tableta ng hinihinalang ecstasy, isang botelya na naglalaman ng blue grains ecstasy, dalawang botelya na naglalaman ng hinihinalang liquid ecstasy, dalawang improvised plastic tube na may bahid ng ecstasy, dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia at P500 buy-bust money.
Hindi lamang umano sa Caloocan nagbebenta ng iligal na droga ang mga naarestong suspek kundi maging sa Pasay, Makita at Taguig ay umaabot din ang kanilang transaksyon kung saan mga party places umano ang madalas na sinusuplayan ng mga ito.
Nalaman ng mga pulis ang iligal na gawain ng mga ito matapos ikanta ng live-in partner ng isa sa mga suspek na pinipilit umano nilang pinagbebenta ng droga, habang itinanggi naman ng dalawang naaresto na kanila ang mga narekober na droga. RENE MANAHAN