ARESTADO ang isang opisyal ng barangay kasama ang isang babae sa buy-bust operation sa Pandacan, Maynila kaninang madaling-araw.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampang kaso laban sa mga suspek na sina Ronald Falcis, 48, Barangay kagawad ng Barangay 852, Zone 93, at residente ng Lot 10, Block 7, Kahilum 3, Pandacan; at Jennifer Garilao, 43, dalaga, walang hanapbuhay at residente ng 2136 Pres. Quirino Avenue, kapwa sa Pandacan.
Dakong 1:10 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspek sa West Zamora Street, malapit sa Pres. Quirino Avenue sa Pandacan, batay sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Robert Domingo, commander ng Manila Police District (MPD)-Station 10 .
Nakatanggap umano ng report ang pulisya hinggil sa illegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t nagkasa ng buy-bust operation laban sa kanila ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagresulta sa kanilang pagka-aresto.
Dalawang pakete ng hinihinalang shabu, ibat-ibang drug paraphernalia at marked money na P1,000 ang nakumpiska mula sa mga suspek.
Nabatid na si Falcis ay hindi kasama sa drug watchlist ng MPD-Station 10 ngunit si Garilao naman ay kasama sa naturang listahan bilang isang drug user.JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN