ISANG magkapatid na Koreano ang inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) dahil wanted sa kasong panggagantyo sa kanilang lugar sa Seoul, Korea.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga dayuhan na sina Choi Sunghyun, 32, at Choi Sungmin, 35.
Ang dalawa ay naaresto ng mga ahente ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) sa kanilang bahay noong Byernes sa A.S. Fortuna St., Mandaue City .
Ayon kay Morente, ang magkapatid ay nasa ilalim na ng red notice ng Interpol dahil kapwa sila pinaghahanap o wanted ng Korean police dahil sa kasing fraud.
Dagdag pa ni Morente na nakatakdang ipatapon pabalik ng Korea ang dalawa sa oras na maglabas ng kautisan ang BI Board of Commissioners para sa kanilang summary deportation.
Sa impormasyong ibinigay ng Korean embassy sa BI, nasa kalagitnaan ng Pebrero at Abril 2011 nang tumanggap mula sa kanyang biktima ng kabuuang 360 milyon won si Choi Sung Hyun sa walong magkakahiwalay na pagkakataon .
Nangako ito sa biktima na ang malaki ang magiging interest ng kanyang pera kapag ito ay nag-invest sa negosyo.
Sa kabilang banda, si Choi Sungmin naman ay wanted sa pandaraya at panghihikayat sa kanyang mga biktima na mag-invest ng US$40,000 sa isang “non-existent business venture”.
Sa halip na ibalik ang pera ay ginamit nito upang bayaran ang kanyang pagkakautang sa ilang indibidwal.
Sinabi naman ni BI-FSU chief Bobby Raquepo na ang magkapatid ay kapwa overstaying at undocumented aliens at kinansela na ang kanilang pasaporte ng gobyerno ng Korea.
Ayon pa kay Raquepo, ang magkapatid na Choi ay nagmamay-ari at nagpapatakbo ng diving center sa Punta Engaño, Mactan, Cebu.
Napag-alaman din na si Choi Sungmin ay naisyuhan na ng deportation order ng BI noong 2015 habang ang kanyang kapatid ay kinasuhan ng paglabag ng immigration law sa bureau’s board of commissioners. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN