KALABOSO ang isang pulis matapos ireklamo ng panghaharass sa isang condominium sa Malate, Maynila.
Kinilala ang naturang pulis na si Sr /Supt. Enrique Ancheta, nakatalaga sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory sa Camp Crame.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 9 Commander Superintendent Eufronio Obong,
isang babaeng tenant ng Pacific Regency Condominium ang tumawag sa kanilang tanggapan hinggil sa panggigipit ng isang lalaki.
Nauna rito, nagtungo umano si Ancheta sa condo unit ng complainant kung saan pinipilit aniya itong pinalalabas ng pulis upang pirmahan ang isang dokumento.
Depensa naman ni Ancheta, papipirmahin lamang niya ng affidavit ang complainant upang patotohanan ang pagnanakaw umano ng dalawa nitong kaibigan ng higit P60,000 cash sa dalawang Korean nationals na kanilang nakilala sa isang KTV bar.
Kinilala lamang sa alyas “Heart” at alyas “Karen” ang dalawa umanong kaibigan ng complainant.
Iginiit ni Ancheta na nagmagandang-loob lamang siya para mahuli ang nagnakaw sa pera ng dalawang Koreano.
Sinabi naman ni Obong na may paglabag pa rin si Ancheta dahil hindi ito nakipag-ugnayan sa MPD Station 9 na nakakasakop sa lugar.
Nilabag aniya ni Ancheta ang Police Operational Procedure kaya naman tinuluyan itong binitbit at ikinulong sa nasabing istasyon habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN