NAPUTOL ang kaliwang braso at hita ng isang sekyu nang tumalon mula sa ika-19 na palapag at bumagsak sa konkretong bubungan ng ikalawang palapag ng gusali ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Malate, Manila kahapon.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang biktima na si John Cyrus Migallos Mamburam, 31, security guard ng BSP, at residente ng Forest View Village, Davao City.
Sa report ng Manila Police District (MPD)-Station 9, dakong 5:18 kahapon nang maganap ang insidente sa 19th Floor ng Multi-Purpose ng BSP building na matatagpuan sa A. Mabini Street, kanto ng P.Ocampo Street sa Malate.
Sa ibinigay na salaysay sa pulisya ni William Pararuan, 46, bigla siyang nakarinig ng malakas na kalabog na tumama sa konkretong sahig, kaya’t kaagad aniya itong
ipinagbigay-alam sa duty guard ng gusali.
Kanya itong tinignan kung saan nadiskubre ang katawan ng biktima na nagkalasog lasog ang laman sa sahig at sa kalsada patungong Gate 5 ng gusali.
Kaagad namang ipinagbigay-alam sa pulisya ni Jose Cipriano Kalaw, 35, incident management team ng BSP, ang pangyayari upang maimbestigahan.
Sa imbestigasyon naman ni homicide investigator SPO1 Jeffrey Laus, kay Fernando Nicolas, deputy director for security ng BSP, sinabi nito na nasa ilalim ng kanyang superbisyon ang biktima.
Nalaman din na ang biktima ay may problema sa kanyang nobya na isa ngayon sa iniimbestigahan ng pulisya.. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN