TIMBOG ang itinuturing na top 7 most wanted person at notoryus na ‘jumper boys’ na nagtatago sa loob ng sementeryo sa isinagawang operasyon sa Sta.Cruz, Maynila.
Ayon sa Manila Police District (MPD) -Intelligence Division , nakilala ang suspek na si Ronald Clarit alyas “Ron-ron”, 25, nakatira sa loob ng Manila
North Cemetery.
Naaresto si Clarit dakong ala-1:00 ng hapon sa gilid ng barung-barong na nasa tabi ng mga nitso.
Ayon kay Chief Insp Rolando Armendez, Hepe ng MPD Warrant Section, dakong 7:00 ng umaga nang magbantay na sila sa sementeryo upang arestuhin si Clarit base sa hawak nilang warrant of arrest mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 81 sa kasong 2 counts ng robbery kaugnay sa pagsampa sa sasakyan na bumabaybay sa A. Bonifacio Drive sa QC, nang hindi alam ng driver at nakatangay ng cellphone at iba pang gamit.
Kilalang miyembro ng “Jumper Boys” o “Spidermen” ang suspek na ang modus ay sumampa sa mga truck, bus, delivery at container van habang hindi napupuna ng driver at pahinante at tinatangay ang mapapakinabanagan bago tumatalon habang tumatakbo ang sasakyan.
Nalaman na noong nakalipas na Oktubre 2017 nang isyuhan ng warrant of arrest si Clarit pero nakapagpiyansa at di na lumutang sa korte.
Nabatid na bukod sa pagiging jumper ni Clarit, isa siyang construction worker na paminsan-minsan lang may kontrata.
Noong nakalipas na buwan nang may magtimbre kay Armendez na madalas makita sa sementeryo si Clarit na nasa talaan ng MPD-DID most Wanted
Person . JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN