NABALEWALA ang pagiging magkadugo ng isang magpinsan nang mauwi sa saksakan ang kanilang inuman sa Quezon City kaninang madaling-araw.
Inoobserbahan pa rin sa Quezon City General Hospital ang biktima na kinilalang si Jessimi Amistoso, 31, ng Gem 7, Old Sauyo Road, Brgy Talipapa, Novaliches, matapos magtamo ng malalalim na saksak sa katawan.
Nakatakas naman ang responsable sa pananaksak na si Orly Reubal, 21.
Ayon sa imbestigasyon ni P03 Wilnor Agudo ng Quezon City Police District -Criminal Investigation and Detection Unit, nangyari ang insidente 2:15 ng madaling-araw sa tapat ng bahay ng biktima sa Gem 7, Old Sauyo Road, Brgy. Talipapa, Novaliches.
Batay sa ulat, nakatambay ang biktima sa tapat ng kanilang bahay ng bigla na lamang sinuntok sa mukha bago sinaksak ng suspek gamit ang isang “paet” (chisel).
Hindi pa malinaw sa imbestigasyon kung ano ang dahilan ng pananaksak ng suspek sa biktima.