HINDI lang ang magdamag na kinita, kundi maging ang ipinamamasadang sasakyan ng isang taxi driver ang tinangay din ng dalawang armadong lalaki na nagpanggap na mga pasahero sa Quezon City, Biyernes ng gabi (Abril 19).
Nakulimbat din sa biktimang si Erlindo Labastida, 28-anyos, ang kanyang kinitang P9,000, cellphone, relos, ATM card at ID, kabilang ang kanyang driver’s license.
Naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng gabi sa may Quirino Highway sa Barangay Baesa.
Ayon sa biktima, bago ang insidente ay sumakay sa kanyang taxi na “Mindoro Lady” na may plakang (UPV-921) ang dalawang suspek sa may Gateway Mall sa Cubao at nagpahatid sa Quirino Highway.
Pagsapit sa lugar, inilabas ng dalawang suspek ang isang hindi malamang kalibre ng baril at kutsilyo bago nagdeklara ng holdap.
Matapos saidin ang kanyang pang-boundary at iba pang gamit, pinababa pa siya ng mga suspek at tinangay sa kanilang pagtakas ang kanyang taxi.