ANIMO’Y nanghiram ng mukha sa aso ang isa sa dalawang naarestong holdaper matapos kuyugin ng mga tambay sa Tondo, Maynila.
Bugbog-sarado ang isa suspek na si Martin Tanghal, 23-anyos habang ang isa ay kinilala sa alyas na “Odin Dineros”.
Ayon kay Sr. Insp. Wilson delos Santos, deputy station commander, dakong alas-9:00 ng umaga, nang holdapin ng mga suspek ang isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng Tayuman St., sa Tondo.
Ngunit agad na nakahingi ng saklolo ang isang matapang na pasahero malapit na PCP sa Tayuman at nadakip ang dalawa, subalit isa dito ang pinagbubugbog ng mga tambay bago isinuko sa pulisya.
Nakipagpalitan naman ng putok ang kasamahan ni Tanghal sa grupo ni Delos Santos subalit hindi ito umubra at nadakip.
Narekober sa mga suspek ang ginamit na kalibre .22 at .38 na baril.
Nabawi rin ang bag ng isa sa mga pasaherong naholdap.