IPINAARESTO sa mga awtoridad ng isang Saudi national ang driver ng sinakyang taxi nang matunugan nitong kasabwat ang dalawang holdaper na nagpakilala munang pulis at tumangay sa kanyang salapi sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Unang inaresto ng mga tauhan ng Station 5 ng Manila Police District (MPD) si Vicente Sevilla, 38, driver ng Peterdous taxi na may plakang UVD-439 matapos dito humingi ng tulong ang turistang si Bader El Unaizi, 55, negosyante at pansamantalang nanunuluyan sa Kimberly Hotel sa Pedo Gil St., Malate, Manila, subalit ipinasa ang kaso sa Pasay police nang matuklasan na doon nangyari ang insidente ng panghoholdap.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Nestor Rubel ng Investigation Section ng Pasay police, sumakay sa taxi ni Sevilla si Unaizi, kasama ang kapwa Arabong si George Khalil Mustafa Matar, galing sa Resorts World Casino and Hotel pasado alas-5:00 ng madaling araw at nagpahatid sa tinutuluyang hotel.
Habang tinatahak ang kahabaan ng Roxas Boulevard, biglang huminto sa madilim na bahagi ng lansangan na sakop ng Pasay City ang taxi at lumapit ang isang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at helmet na nagpakilalang pulis at kinausap ang driver na si Sevilla.
Habang nag-uusap ang dalawa, isa pang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang dumating at biglang binuksan ang pintuan ng taxi, tinutukan ng baril ang mga biktima at kinuha ang P120,000 cash.
Matapos malimas ang pera ng mga biktima ay kapwa tumakas ang dalawang lalaki sakay ng dalawang motorsiklo.
Inatasan umano ni Unaizi na habulin ang mga suspek upang makuha nila ang plate number ng mga motor subalit hindi umano pinatakbo ng matulin ni Sevilla ang taxi at hinayaang makalayo ang mga suspek.