NATAGPUAN ang isang lola na hinihinalang deboto ng Black Nazarene na nakalutang sa Pasig River kaninang umaga.
Inilarawan ang biktima na may edad sa pagitan ng 50-60, maiksi ang gupit ng buhok, payat ang pangangatawan, nakasuot ng checkered na green long sleeve at itim na pantalon.
Ayon kay Po2 Rodel Benitez ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 7:oo ng umaga nang nadiskubreng nakalutang ang katawan ng biktima sa Ilog Pasig sa likod ng Maynilad compound, Aroceros, Manila.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) na si Edwin Perez, nakatalaga sa Malacañang, kasalukuyang siyang nagpapatrulya sa lugar nang napansin nito ang nakalutang na katawan ng biktima dahilan upang ipagbigay alam sa pulisya.
Pinaniniwalaang kabilang sa mga namamanata sa Itim na Nazareno ang biktima dahil nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang kulay pula na panyo kung saan nakadisenyo ang mukha ng itim na Nazareno.
Inaalam pa kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.