TAGUIG CITY – KALABOSO ang isang hinihinalang drug user na nahuli ng dalawang patrolling policemen ng Sector 4 sa kahabaan ng Franco Street, Barangay New Lower Bicutan ng Miyerkules ng hapon sa naturang lungsod.
Sa turnover ng suspect sa tanggapan ng Station Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group, inamin nito sa mga awtoridad na nakilalang si Jay-Ar B. Valdez, 20, walang hanap-buhay at nakatira sa 57 Pardiñas Street Zone 6 Barangay South Signal Village, Taguig City na dati na umano siyang nakulong bunsod ng pagkahumaling sa masamang bisyo tulad ng ipinagbabawal na gamot.
Ang suspect ay nahuli dakong alas 2:00 ng hapon nina PO2 El John Pacete at PO1 Raymund Sannadan habang ang mga ito ay nagsasagawa ng kanilang tour of duty at ng magawi sa tinukoy na lugar ay nakita si Valdez na may kahina-hinalang kilos kaya agad nila itong nilapitan at inusisa.
Matapos itapon sa damuhan ang hawak na isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, tinangka pa umanong tumakbo ng suspect subalit maagap itong nadakma ng mga arresting officers.
Pagkaraang kumpirmahin ng PNP Crime Laboratory na ang nasamsam na ebidensiya ay positibong methamphetamine hydrochloride, nilapatan ng kasong paglabag sa Section 11 Art 2 ng Dangerous Drug Act of 2002 ang ikinulong na suspect.