PINATAWAN ng habambuhay na pagkabilanggo ng Quezon City court ang isang lalaki na napatunayang guilty sa kasong drug pushing may limang taon na ang nakararaan.
Sa pitong pahinang desisyon, bukod sa life imprisonment, inatasan din ni Quezon City Regional Trial Court Branch 82 Judge Severino de Castro Jr. ang akusadong si Mohamadali Mawarao, alyas Danny na magbayad ng multang P500,000 dahil sa ginawang paglabag sa Section 5 ng Article 2 ng Republic Act number 9165 (Drugs Pushing).
Hindi naman pinaniwalaan ng korte ang alibi ng akusado na siya ay nasa loob ng kanyang bahay noong December 30, 2008 nang maganap ang bentahan ng shabu sa may Payatas QC.
Si Mawarao ay nahuli sa isang buy bust operation noong December 30, 2008 sa San Miguel St., Barangay Payatas, QC habang nagbebenta ng P200 halaga ng shabu sa poseur buyer na isang pulis QC.