HINIHINALANG may kaugnayan sa bawal na shabu ang naganap na pamamaril sa dalawang lalaki sa Parola Compound sakop ng Binondo, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga tumimbuwang na biktimang sina Cesar Gating,33 anyos, vendor, ng Gate 54, Area C, Parola Compound, Binondo at Ernie Flores, 28 anyos, pedicab driver, ng Gate 56, Area H, Parola Compound ng nasabing lugar.
Samantala, malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng mga tauhan ng Manila Police District dahil lumalabas na haka-haka lamang ng ilang residente sa lugar na kompetisyon umano sa pagtutulak ng shabu ang motibo ng pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Mabilis naman na tumakas ang mga salarin matapos isagawa ang krimen.
Batay sa ulat na isinumiti ni Det. Julieto Malindog kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng MPD-Crime Against Persons Investigation Section, naganap ang pamamaril dakong 6:30 ng gabi sa Gate 52,Area C,Parola Compound sakop ng Binondo.
Nauna rito, bandang alas 5:00 ng hapon, nagpaalam umano si Flores sa kanyang kinakasamang si Desiree Fernandez na pupunta sa kanyang mga kaibigan na malapit rin sa lugar.
Gayunman, nagtataka si Fernandez na isang oras na ay hindi pa umuuwi ang ka-live-in at nabalitaan na lamang nito na natagpuang patay ang biktima. Ang kasama ng biktima na si Gating ay naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Medical Center, subalit dakong 8:00 ng gabi bawian na ito ng buhay dahil sa tama ng bala sa katawan.
Narekober sa crime scene ng mga operatiba ng MPD ang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 baril at 10 basyo ng bala ng 9MM.
Bigo ang pulisya na makakuha ng impormasyon sa mga taong naroroon dahil tila bulag at pipi para magbigay ng linaw at makilala ang mga salarin.