UPDATE: Maliban sa limang namatay, mahigit 20 pang mga mountaineers ang na-trap sa pagbuga ng makapal na puting usok ng Mayon volcano sa lalawigan ng Albay kaninang umaga.
Sinabi ni Albay Gov. Joey Salceda na mayroong dalawang grupo ang umakyat sa bulkan bago nangyari ang insidente.
Ayon pa kay Salceda, hinahanda na nila ang gagawing rescue operations sa mga naiipit na mga biktima upang sa lalong madaling panahon ay maibaba sila mula sa terrain ng naturang bulkan.
Sa panayam kay Kennenth de Salva, isa sa nasugatan na mountaineer, kinumpirma nito na tatlo sa kanyang mga kasamahan kabilang na ang isang German at Australian national, ang namatay agad matapos madaganan ng mga malalaking bato na ibinuga ng bulkan.
Maliban dito, isa pa ang naiwan at kritikal ang kondisyon at naghihintay ng saklolo mula sa mga rescuers maliban pa sa mga nakaligtas na pawang sugatan din at may mga bali sa katawan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang assessment ng Phivolcs at lokal na pamahalaan ng Albay para sa mga susunod na hakbang kaugnay sa pagpapakita ng abnormalidad ng bulkan.
Samantala, libu-libong mga residente na sa paligid ng Mayon volcano ang nagsilikas sa takot na sila ay madamay sa pag-aalburuto ng bulkan.
Ang nasabing mga evacuees ay mula sa mga bayan at lungsod dito sa lalawigan ng Albay.
Inaasahan na madagdagan pa ang mga nagsilikas sakaling muling magpakita ng abnormalidad ang bulkan at sa susunod na ipapalabas na kautusan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Ikinabigla ng mga residente ang pagbuga ng abo ng bulkan kaninang umaga dahil walang anumang senyales na ipinakita ang Mayon nitong mga nakalipas na araw at maging ang paggalaw sa alert level status ng bulkan.