NALAMBAT ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang babaeng pusher at kasabwat nito matapos mahulihan ng shabu nitong nakalipas na Mayo 5, 2013 sa Quezon City.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nadakip na suspek na si Marites Dela Cruz, 41, at Bryan Caderao, 19 kapwa residente ng 23 Ruby Street, ROTC Hunters, Tatalon, QC.
Ayon sa PDEA nadakip ang mga suspek ng mga operatiba ng PDEA Regional Office-National Capital Region sa ilalim ni Director Wilking Villanueva matapos iabot ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na tinatayang 10 grama sa isang PDEA poseur–buyer sa isang buy bust operation sa Tatalon.
Nakumpiska sa mga suspek ang pares na stainless scissor, dalawang disposable lighters, improvised tooter at P500 bill na ginamit sa buy- bust.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) Article ll ng Republic Act 9165 na mas kilala na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.