NAG-HUNGER strike ngayon si SPO2 Gregorio Mendoza dahil sa kawalang aksiyon ng gobyerno para panagutin ang mga tunay na may-sala sa Luneta hostage taking na ikinamatay ng kanyang kapatid na si dating Police Senior Inspector Rolando Mendoza.
Naglatag ng lamesa si Mendoza sa harapan ng Bus Terminal ng Philippine Rabbit sa Oroquieta St., Recto, Maynila ngayong Miyerkules kungsaan kanyang inilahad ang samu’t saring mga dokumento hinggil sa naparaming kaso na kanyang hinaharap sanhi ng pagkakadawit sa madugong Luneta hostage crisis.
Ipinaskil din ni Mendoza sa isang plywood ang kanyang mga hinaing at panawagan sa mga kinauukulan tulad ng Ombudsman na repasuhin ang desisyon nito na nag-aalis sa kanyang kapatid sa serbisyo bago namatay.
Ayon sa pulis, mananatili ang kanyang hunger strike hanggang hindi napapanagot ang tunay na may sala sa hostage-taking sa Luneta noong August 2010.