AABOT sa P10 milyong halaga ng marijuana sa may 16 na plantasyon nito ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tatlong araw na eradication operation sa tulong ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay matapos salakayin ang mga nasabing plantasyon na nasa may 16 na magkakatabing taniman sa Sitio Lanipew at Bana sa Barangay Tacadang, Kibungan Benguet; at Sitios Bulisay at Makagang Barangay Kayapa, Bakun, Benguet, na may lawak na kabuuang 2,658 square meters.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr.umaabot sa kabuuang 14,400 piraso ng fully-grown halaman ng marijuana ang binunot habang ang 3,600 piraso ng mga buto nito, 1,250 grams ng buto ng marijuana at 60,000 gramo ng tangkay ng marijuana ang winasak sa operasyon.
Kabilang sa naglunsad ng operasyon ang PDEA Regional Office-Cordillera Administrative Region (PDEA RO-CAR) sa pamumuno ni Director Ronald Allan Ricardo; at Benguet at CAR Police na inumpisahan May 4 hanggang 6, 2013.
Winasak ang naturang illegal drugs sa pamamagitan ng pagsunog sa mga puno ng marijuana bagamat wala namang nahuling cultivator sa 16 na plantasyon nito na tinatayang nagkakahalaga ng P10,155,000 batay na rin sa pagtaya sa halaga ng Dangerous Drugs Board (DDB).