PINAGHAHANAP ang driver at pahinante matapos iwan ang dalang container van at wala na ang mga kargang mamahalin tela sa Caloocan City Sabado ng gabi, Mayo 11.
Nakilala ang mga suspek na sina Jerry Lemosnero, 38 at pahinanteng si Mark Andaya, 28 kapwa ng Vitas, Tondo, Manila.
Sa ulat, dakong alas-11:08 kahapon ng umaga nang magpunta ang mga suspek dala container van (RHP-410) sa Filspin Incoporated sa Bonifacio st., Canumay ng lungsod.
Dakong alas-3:08 natapos ang pagkakarga ng 259 na woven fiber na nagkakahalaga ng P3.6M at umalis na sa Filspin upang dalhin sa pinapasukan na Unli Logistic Corp., sa 3rd Avenue ng lungsod kung saan dakong alas-5:41 ng hapon ay nagtext pa si Lemosnero sa among si Bernardo Estrada na papaubos na battery ng cellphone kung kaya papatayin na niya.
Dakong alas-6 ng gabi, nakitang nakaparada ang container van sa 8th st., 3rd Avenue ng lungsod subalit walang nakitang tao sa loob.
Binantayan ng mga tanod ang van dahil nakitang nakasuksok pa ang susi sa susian ng sasakyan subalit makalipas ang ilang oras ay walang lumapit kung kaya nagpasya na ang barangay na itawag sa mga pulis.
Sa presinto, sumulpot ang mga kinatawan ng Unli at sinabing kanila ang van subalit wala na ang mga mamahalin tela.
Lumalabas na noong nakaraan buwan lang natanggap sa kanilang kumpanya ang mga suspek at parati naman nakakabalik kapag inuutusan.
Pinaghahanap na ng mga pulis ang dalawang suspek upang malaman kung sangkot ang mga ito sa pagtangay ng mga woven fiber.