SINABAYAN muna ng lakad bago malapitang binaril sa ulo gamit ang kalibre 45 ng hindi nakilalang lalaki ang isang miyembro ng Moro National Liberation Front (MILF) sa isang underpass sa Quiapo, Manila ngayong hapon lamang.
Kinilala sa pamamagitan ng kanyang identification card ang biktimang si Datson Pillas, 35 ng Balatican, Maguindanao.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Manila Police District –Crime Against Persons Investigation Section sa pagkakakilanlan ng suspek na naglakad lamang patungong Muslim Area matapos ang pamamaril.
Sa ulat, alas-2:30 ng hapon kanina nang makarinig ng isang putok ng baril ang mga vendor sa paligid ng underpass sa R. Hidalgo St. sa Quezon Boulevard, Quiapo.
Isang ayaw magpakilalang vendor ang nakasaksi sa pagpatay sa biktima na nagsabing sa pababa sa underpass ng biktima ay sinabayan siya sa paglakad ng suspek saka malapitang binaril sa ulo.
Narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala ng kalibre 45 baril.
Blanko pa ang pulisya sa motibo sa pamamaslang.