ISINAILALIM na sa interogasyon ng Manila Police District-Police–Moriones Police Station 2 ang 14 miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) makaraang mamataan sa harapan ng isang eskuwelahan sa Tondo, Manila at makuhanan ng mga armas kaninang hapon
Sampu sa 14 MNLF ang kinilalang sina Rolando Olamit, Chairman ng MNLF; Rodilio de Guzman; Nelson Mustafa; Abducani Waradje; Jalim Madjid; Jeffrey Osim; Salibi Abdulhan; Ricson Ampa; Comdi Magib at Teodoro Tana.
Bukod sa mga baril na narekober ay nakuhanan din sila ng isang laptop na pag-aari ni Olamit.
Sa ulat ni P/Sr.Insp. Roberto Mangune, Blk. Commander ng Delpan Police Community Precinct, 5:30 ng hapon kanina nang mamataan ang mga suspek sa harap ng Alamario Elementary School sa Zaragosa St., Tondo na kung saan naka-deploy ang grupo ni Mangune.
Una nang naging alibi ng grupo na boboto sila pero lumilitaw na may problema sila sa kanilang mga kaanak sa Davao at ang dala nilang baril ay may mga dokumento.
Sa puntong ito, napag-alaman na mga tauhan sila ni Misuari at iniuugnay ang pagkamatay nang barilin ang kanilang kasamahan sa Quiapo underpass kanina rin.