NANINDIGAN ang liderato ng Philippine National Police na walang bahid politika ang isinasagawang operasyon laban sa ilan pang mga armadong lalake na target ng search warrant ng mga pulis sa compound ng mansion ni Senador Ramon Revilla Jr. sa Panapaan, Bacoor, Cavite.
Sa press conference sa Camp Crame, iginiit ni PNP chief, Director General Alan Purisima na walang pangangailangan para personal pa siyang manguna sa paghalughog sa bahay ni Revilla laban sa mga hinahanap na armadong lalake.
On top of the situation naman umano ang regional director ng police regional office 4-a na si Police Chief Supt. Benito Estipona.
Hinamon ng abogado ni Revilla ang PNP particular si Purisima na pangunahan ang paghalughog sa mansion ng senador para patunayang wala silang itinatagong mga armadong lalake roon.
Samantala, iginiit ni Purisima na kung tutuusin, pwedeng pumasok ang mga pulis sa lugar kung saan nagtungo at nagtago ang mga armadong lalake lalo na at hinahabol ang mga lumabag sa batas, bilang bahagi ng police operations.
Gayunpaman, dahil hindi umano pinayagan ang mga awtoridad na makapasok sa Mariano compound, napigilan tuloy ang pag-aresto.
Dahil dito, kinailangan umanong mag aplay pa ng search warrant ang pulisya para maipatupad ang kanilang tungkulin na habulin ang target ng operasyon.