DINUKOT ang misis ng isang sundalo at empleyado ng Sulu Provincial Hospital ng armadong kalalakihan sa harap mismo ng ospital sa may Barangay Asturias sa bayan ng Jolo, Zamboanga City.
Naganap ang insidente bandang alas-6:30 kaninang umaga habang papasok na sana sa loob ng ospital ang biktimang si Casilda Villarasa Marcos, isang Med Tech, misis ng isang Marine Sgt. Marcos kasama ang kanyang siyam na taong gulang na anak na babae nang puwersahang hinila ng apat na armadong lalaki.
Masuwerte namang nakatakas ang bata habang ang biktima ay isinakay sa isang kulay itim na van na walang plate number at kaagad nakalayo sa lugar.
Nagresponde ang tropa ng PNP at militar subalit hindi na rin naabutan ang mga suspek.
Patuloy ang isinasagawang pursuit operation ngayon ng mga awtoridad laban sa mga suspek para mabawi ang biktima.
Kasalukuyan pang inaalam ng awtoridad ang motibo sa pagdukot at kung sino ang responsable sa nasabing insidente.