NAGREKLAMO ang isang Russian national sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Section matapos na masalisihan ng lalaking nag-imbita sa kanyang kumain sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Mark Yuchyugyaeb, 28, turista, tubong Republic of Saffa, Russia at pansamantalang nanunuluyan sa 114 Batanes St. Sampaloc, Maynila.
Ayon kay PO3 Jay Jacob, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-4 hanggang alas-5 ng hapon kung saan inimbitahan ito ng isang lalaki na nagmagandang-loob na pakainin ito sa kanilang bahay.
Habang kumakain umano ang biktima ay saka sinalisihan ng suspek ang biktima at kinuha ang mga mahahalagng gamit at ‘di pa mabatid na halaga ng cash sa loob ng kanyang bag.
Hindi naman matandaan ng biktima ang pagkakakilanlan at pangalan ng suspek at ang lugar nang isama ito sa isinagawang follow-up operation ng pulisya kaya hindi rin natunton ang kinaroroonan ng suspek.