MASUSING iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pagsaboy ng asido ng hindi nakilalang lalaki sa isang salesman ng Toyota Manila bay kahapon sa Pasay City.
Ginagamot sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si August Bautista, 29, ng 504-B Cluster IV Chateau Elysee, Bicutan, Taguig City, sanhi ng paso sa kanyang mukha at iba pang parte ng katawan.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Joel Landicho, imbestigador ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police, alas-2:40 ng hapon ng maganap ang insidente sa Bay Garden Compound, Metrobank Avenue, EDSA Extension.
Sa pahayag ng kaibigan ng biktima na si Ritchie Delotina, 33, bank employee, sinundo niya si Bautista sa trabaho upang sabay na silang umuwi at habang naglalagay siya ng tubig sa radiator ng kanyang kotse, biglang lumapit ang isang lalaking nakasuot ng sando at short pants, tinatayang nasa edad 30, may kataasan at katamtamang pangangatawan at bigla na lamang sinabuyan ng asido sa mukha at parte ng katawan ang kanyang kaibigan.
Dahil sa matinding kirot, nabitawan ni Bautista ang kanyang hawak na shoulder bag na naglalaman ng P60,000 cash, cellphone at iba pang personal na gamit sabay nagtatakbong papasok sa comfort room ng Toyota showroom upang magbuhos ng tubig.
Dito na umano dinampot ng suspek ang bag ng biktima at nagtatakbong patakas patungo sa Roxas Boulevard hanggang tuluyang mawala na sa paningin ng mga saksi.
Sinabi ni Landicho na dalawa ang tinitingnan nilang motibo kabilang ang pagnanakaw o paghihiganti dahil natuklasan na tinangka na ring sabuyan ng asido ang biktima may apat na buwan na ang nakararaan sa isang gas station sa Macapagal Avenue sa Parañaque City.