NALAMBAT ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug group leader at menor de edad sa isinagawang buy-bust operation sa Dagupan City, Pangasinan.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nadakip na suspek na si Allanoden Mustapha, alias Salonga Naga,46, may-asawa, residente ng No.26 Fernandez Street, Dagupan City, at isang 16 taong gulang na menor de edad ng Barangay Silangan, Bonuan Guesset, Dagupan City.
Ayon sa PDEA si Mustapha at isang menor de edad ay nadakip ng mga operatiba ng PDEA Regional Office 1 (PDEA RO1) sa ilalim ni Director Jeoffrey C. Tacio nitong nakalipas May 21,2013 matapos pagbilhan ng hinihinalang shabu ang isang under cover agent ng PDEA na nagpanggap na poseur-buyer sa kahabaan ng Perez Boulevard, Dagupan City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na piraso ng transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu, isang Suzuki Raider na motorsiklo na kulay pula, isang Suzuki Skydrive na itim na motorsiklo at P500 peso-bill na marked money na ginamit sa operasyon.
Sinabi ng PDEA na ang suspek na si Mustapha ay lider ng Basilan Drug Group at kabilang sa PDEA list ng High Value Target (HVT) drug personalities.
Ang suspek ay nadakip ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng Oplan Avatar 2 nitong nakalipas na 2011, subalit nakapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan dahil sa paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs). Article II, Republic Act 9165, na mas kilala sa The Comprehensive Dangeruous Drugs Act of 2002.