TODAS ang isang miyembro ng riding-in-tandem makaraang makipagratratan sa mga pulis sa Sylvia St. malapit sa San Marcelino St., Ermita Manila kaninang hapon lamang.
Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakilanlan ng nakabulagtang lalaki na inilarawang naka-itim na sando, shorts at jacket na itim na pang-motor, may suot na helmet at may hawak na pera.
Ayon sa pulisya, natiyempuhan ng mga tauhan ng Regional Police Intelligence Unit ng NCRPO ang komosyon habang nagaganap ang panghoholdap ng riding-in-tandem sa mag-asawang Indian.
Nang rumesponde ang mga pulis ay nakipagputukan ang suspek at minalas na mabaril ang isa sa mga suspek habang ang isa naman ay nakatakas.
Bineberipika pa ng pulisya ang natanggap na impormasyon na may isang lalaking isinugod sa Ospital ng Maynila dahil sa gunshot wound at inaalam na nila kung sangkot ito sa naganap na barilan.