MAS PINABIGAT ang parusang ipapataw sa mga tao at grupong sangkot sa pagbebenta ng “hot meat” o “double-dead.”
Ito’y makaraang pormal na lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act 10536 na naga-amiyenda sa National Meat Inspection Code of the Philippines.
Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na inatasan na ni Pangulong Aquino si Agriculture Secretary Proceso Alcala na siyang magpataw ng administrative fines at penalties sa mga lalabag sa batas.
“Prior to this — prior to the signing of R.A. 10536, it was the Secretary of Agriculture who was mandated to provide administrative fines and penalties. Ngayon po, meron na hong nilagay ang batas ng fine at kasama na po ang imprisonment doon sa mga lalabag sa probisyon ng batas na ito,” anito.
Kumbinsido ang Malakanyang na mababawasan na ang mga taong sangkot sa ilegal na aktibidades na ito.
Makikita rin sa batas ang binagong ilang terms ng komposisyon ng National Meat Inspection Service na pangunahing ahensiya na responsable sa pagtiyak na ang karne na kinakain ng mga Pinoy ay ligtas.