HANDA na ang Quezon City government sa panahon ng tag-ulan.
Ayon kay QC Vice Mayor Joy Belmonte, nagsagawa na ng de-clogging sa mga estero at kanal ang mga tauhan ng QC hall at nagpatupad ng riprapping upang maiwasang maapektuhan ng pagbaha ang mga residente na naninirahan malapit sa ilog.
Gayundin ay pinalilipat na sa mas ligtas na lugar ang mga nakatira sa mga danger zones upang maprotektahan ang kanilang mga pamilya sa panahon ng tag-ulan.
Sinabi pa ni Belmonte na may nakalaan na ding programa ang lokal na pamahalaan laban sa sakit na dengue na kalimitang lumilitaw tuwing tag-ulan.
Kaugnay nito, binilinan pa ng QC government ang mga residente na maging malinis sa bahay at kanilang paligid upang makaiwas na pamugaran ng lamok na may dalang dengue ang lugar.
Sinabi ni Belmonte na sapat naman ang pondo ng pamahalaan na inilaan para sa kampanya laban sa sakit na dengue.