NAGAWA pang maisugod kahapon ng tanghali sa pagamutan subalit hindi na rin naisalba ang buhay ng isang 17 anyos na dalagita sa Tondo, Manila.
Tumanggi ang mga magulang ng biktimang itinago sa pangalang ‘Ninay’ ng Sevilla St., Tondo na paimbestigahan ang kaso sa paniwalang sadyang nagpakamatay ang kanilang anak.
Batay sa ulat ni Det. Richard Limuco ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, dakong 11:00 ng tanghali kahapon nang madiskubreng walang malay ang dalagita na nakahandusay sa kanilang bahay at katabi nito ang isang botelya ng hinihinalang silver cleaner na bawas na.
Naisugod pa ang dalagita sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center subalit hindi na rin naisalba ang buhay ng dalagita dahil sa nasunog na ang lalamunan at ang lamang loob nito.
Hinalang may problema sa pag-ibig ang dalagita o pinagalitan ito ng kanyang magulang, kaya nagpasya itong wakasan ang kanyang buhay .
Nang itawag ng nakatalagang security guard sa nasabing pagamutan ang naturang insidente sa tanggapan ni P/Insp. Steve Casimiro, tumanggi ang mga kaanak ng dalagita na paimbestigahan pa ang pangyayari.