WINAKASAN ng 53-anyos na inmate ang kanyang sariling buhay nang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti makaraang lumubha ang kanyang sakit na tuberculosis sa loob ng “infirmary cell” sa Pasay City Jail (PCJ).
Hinihinalang may ilang oras nang patay bago nadiskubre ng mga kapwa bilanggo si Maximo Layoso, nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act, at residente ng Blk 7 Lot 11, Santol St, Barrio Sto Nino, Pasay City, alas-9:15 ng umaga matapos magbigti gamit ang isang tali ng sapatos na ipinulupot sa kanyang leeg at ang dulo ay isinabit sa isang pako na nasa ibabaw ng kanyang higaan.
Ayon kina Chief Insp. Joey Goforth at SPO2 Joel Landicho ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police, Disyembre 2012 nang makulong si Layoso matapos madakip sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Napag-alaman na nagkaroon ng sakit na tuberculosis si Layoso sa loob ng bilangguan kaya’t kinailangan siyang dalhin sa infirmary cell na nasa ikatlong palapag ng PCJ kung saan nababantayan ang kalagayan ng kanyang kalusugan.
Bukod sa marka sa leeg, wala ng iba pang sugat sa iba pang parte ng katawan ang biktima na magpapatunay na ang pagbibigti ang kanyang ikinamatay.
Tumanggi naman ang pamilya ni Layoso na isailalim pa ito sa autopsiya dahil sa paniwalang winakasan talaga ng biktima ang kanyang buhay dahil sa hirap nito sa paghinga sanhi ng sakit na TB.