TAGUIG CITY – HINDI ligtas maging sa loob ng pampublikong pagamutan ang mga pasyente at maging ang mga bantay na kaanak nito laban sa mga mapagsamantalang galamay ng hinihinalang notorious na grupong “salisi gang” ayon na rin sa mga magkakahiwalay na reklamo na naiparating sa himpilan ng Public Order and Safety Office o POSO na nakataga sa loob ng bakuran ng Taguig-Pateros District Hospital ng naturang lungsod.
Sa mga naiparating na sumbong sa himpilan ng POSO bunsod ng misteryosong pagkawala ng laptop, mobile phone at pitaka ng mga nagbabantay na kaanak ng pasyente nabatid na maging ang balutan anila na naglalaman ng personal hygiene ng maysakit ay tinatangay din ng mga ‘di matukoy na salarin.
Anila, maituturing umanong dagdag pasanin at perwisyo sa kanilang kagipitan ang mawalan ng personal na kagamitan habang sila ay nahaharap sa malaking gastusin at balisa sa pag-aasikaso ng kanilang mahal sa buhay na maysakit.
“Pati face towel, sabon at toothbrush na ginagamit ng maysakit nawala sa lalagyan namin, mapapakinabangan ba nila iyon?” Anang isang pamilyang nawalan.
Dahil sa pangyayaring ito ipinaparating ng mga apektadong mamamayan sa mga kinauukulan na maglapat ng kaukulang hakbang upang lutasin ang problemang sa tinukoy na pagamutan habang ipinapayo naman sa mga bantay na kaanak ng pasyente na huwag hahayaang mawalay sa inyong katawan o paningin ang inyong mga mahahalagang kagamitan sa loob ng hospital ward.