SA halip na mag-iiyak ang 25-anyos na ginang nang malaman na nakulong ang kanyang mister ay natuwa pa ito dahil maski siya ay nabiktima ng sariling asawa makaraang tangayin ang perang pambili ng gatas at gamot para sa kanilang bagong silang na sanggol sa Pasay City.
Inaresto ng mga tauhan ni Chief Insp. Lerpon Platon, hepe ng Intelligence Unit ng Pasay City Police, ang suspek na si Simon Mateo, 27, alas-9:15 kahapon ng umaga nang mamataang umiihi sa Rotonda ng Taft Avenue at nang kapkapan ay kinakitaan ng patalim.
Nabuking na lamang ang mga nakabimbin na kaso ng suspek makaraang dalhin ito sa presinto kung saan ay may kaso itong panghoholdap sa piskalya bukod pa sa reklamo ng kanyang misis na si Divina, 25, dahil sa pagtangay sa P2,000 pambili sana ng gatas at gamot ng bagong silang nilang sanggol.
Ayon sa misis ng suspek, matagal nang lulong sa ilegal na droga ang kanyang mister kaya’t posible aniyang ipinambili ng droga ang nalalabi nilang salapi na inilaan niya para sa gatas at gamot ng kanilang bagong silang na sanggol.