DALAWANG barangay kagawad ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkahiwalay na operasyon sa mga rehiyon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., ang mga nahuling barangay kagawad na sina Nicolas Brito, alias Nic-Nic, 48 anyos, ng Barangay Calao, Dumangas, Iloilo; at Abilog Tindegaranao, alias Abil/Tanandato, 34, ng Barangay Galawan, Lumpa-Bayabato, Lanao del Sur.
Batay sa ulat, nagsagawa ng operasyon noong May 24, 2013 ang mga elemento ng PDEA Regional Office 6 (PDEA RO6) sa pamumuno ni Atty. Ronnie Delicana sa Barangay Jardin, Dumangas, Iloilo na nagresulta sa pagkakadakip kina Brito at Elisa Magallanes, 35 anyos sa loob ng bahay ng huli na ginagawa ring drug den kung saan nakuhanan sila ng mga ebidensiya ng shabu.
Nakuhanan pa si Magallanes ng karagdagang 12 plastic sachets ng hinihinalang shabu, isang cellular phone, at P650 cash.
Si Brito ay kinasuhan ng paglabag sa Section 7 (Employees and Visitors of a Den, Dive or Resort), Article II Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Si Magallanes naman ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of a Den), at Section 11(Possession of Illegal Drugs) ng RA 9165.
Sa Bukidnon naman nadakip ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 10 (PDEA RO10) sa pangunguna ni Director Emerson Margate si Tindegaranao matapos magbenta ng shabu sa isang poseur buyer sa Barangay Pamotolan, Kalilangan at karagdagang malaking sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P60,000.