SIYAM katao na ang naiulat na nagpatiwakal gamit ang silver cleaner mula Enero hanggang Mayo 2013 na pawang mga residente ng lunsod ng Maynila, Navotas at Pasay, kasama ang isang 15-gulang na babae na taga Binondo na namatay noong Mayo 25.
Kaugnay nito, muling nangalampag ang EcoWaste Coalition sa pamahalaan na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na paggawa at pagtitinda ng silver jewelry cleaner na may halong cyanide.
“Nakakabahala ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nangamatay dahil sa pag-inom ng silver cleaner,” pahayag ni Thony Dizon, Coordinator ng Project Protect ng EcoWaste Coalition.
Bagamat ipinagbabawal ang silver cleaner na may cyanide at iba pang mapanganib na kemikal, hindi rehistrado at walang etiketa sa ilalim ng isang Joint DOH-DENR Advisory na inilabas noon pang 2010 ay laganap pa rin ang bentahan ng nasabing produkto sa merkado, ayon sa grupo.
Dahil dito, nanawagan ang EcoWaste Coalition kay Sec. Mar Roxas na pakilusin ang buong makinarya ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang matuldukan ang iligal na kalakalan ng nakalalasong silver cleaner.
“Kami’y nanawagan kay Sec. Roxas na pakilusin ang mga lokal na pamahalaan at ang buong kapulisan upang mahuli at mapanagot ang mga tahasang lumalabag sa batas kontra silver cleaner,” sabi ni Dizon.
“Napapanahon ang pagsasanib pwersa ng DOH, DENR at DILG, katuwang ang iba pang grupo sa pribado at pampublikong sektor, para tapusin ang trahedyang ito na kumitil na sa maraming buhay,” dagdag pa niya.
Suportado ng grupo ang paglalabas ng “Joint DOH-DENR-DILG Administrative Order” upang epektibong mapangalagaan ang kaligtasan ng tao at kalikasan laban sa lasong silver cleaner.
Nanawagan rin ang EcoWaste Coalition sa mga bagong halal na kagawad ng mga sangguniang pangbayan at panglunsod na mag-akda ng mga ordinansang magpapataw ng pinakamabigat na kaparusahan sa sinumang lalabag sa pagbabawal sa paggawa at pagtitinda ng silver cleaner na may sangkap na cyanide, walang permiso at walang etiketa.