MULI na namang humarap sa korte ang mag- aamang Ampatuan upang basahan ng sakdal hinggil sa naganap na karumal-dumal na Maguindanao massacre sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kahapon ng umaga.
Naghain ng “not guilty plea” sina dating Autonomous Region Muslim Mindanao (ARMM) governor Zaldy Ampatuan, dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. kay Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Branch 221.
Bukod sa mag aamang Ampatuan ay binasahan din ng sakdal ang 75 pulis at civilian volunteers na sangkot sa pagmamasaker sa 58 katao kung saan kabilang dito ang 32 mamamahayag.
Binasa naman ng korte sa salitang Maguindanao, Cebuano at tagalong ang pagbasa ng sakdal sa mga akusado upang malinaw sa kanila ang kanilang kinakaharap na kaso.
Napag alaman na muling binasahan ng sakdal ang mag aamang Ampatuan gayundin ang mga sangkot sa naturang masaker dahil nahaharap muli sila sa karagdagang kasong murder makaraang matagpuan lamang noong isang taon ang labi ng biktimang si Reynaldo “Bebot” Momay na isang photojournalist ng pahayagang “Midland Review” na kabilang sa 58 na namatay sa karudumal-dumal na pagpatay sa kanila noong Nobyembre 23, 2009.
Nauna nang binasahan ng sakdal ang mga akusado para sa 57 biktima ng masaker dahil hindi pa noon nakikita ang bangkay ni Momay.
Nabatid din na noong nakaraang taon lamang natagpuan ng mga forensic experts ng Commission on Human Rights (CHR) ang bahagi ng pustiso ni Momay.
Dahil dito, agad na iniutos ng Department of Justice (DOJ) ang muling pagsasampa ng panibagong kasong murder sa mga akusado dahil sa pagkakatagpo sa labi ni Momay.
Samantala, tinugon naman agad ni Judge Solis-Reyes ang hiling ni Atty. Sigfred Fortun ,abogado ng mag-aamang Ampatuan, na ibalik na sa kanilang quarters ang mga akusado matapos ang arraignment.