LAGLAG sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang legal officer ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pangongotong sa isang dayuhan matapos humingi ng karagdagang bayad para sa isang visa extension sa Cebu City.
Kinilala ni NBI Director Nonnatus Rojas ang suspek na si Atty Serafin Abellon, 63, Legal Officer II ng BI Regional Office na nakabase sa Mandaue City Cebu, at residente ng Cebu City.
Sa imbestigasyon ng NBI Central Visayas Regional Office (CEVRO) sa pamumuno ni RD Antonio Pagtpat, ang pagkakaaresto sa suspek ay bunsod sa reklamo ng isang Amercian national na nagtungo sa tanggapan ng BI Cebu noong May 23, 2013.
Sa report, hiningan ng suspek ang biktima ng P25,000 na karagdagang bayad para sa kanyang visa extension bagamat nagkakahalaga lamang ng P2,800.
Unang nagbayad ang biktima ng P5,000 noong May 6 at noong May 16 ay muli itong nagbayad ng karagdagang P10,000, gayunman, nagpapadagdag pa rin si Abellon ng P15,000.
Dahil dito ay humingi ng tulong ang biktima sa NBI kung saan isinagawa ang entrapment operations noong May 24 sa tanggapan ng suspek at sa aktong tinatanggap ng suspek ang marked money ay inaresto si Abellon.
Kasong paglabag sa RA 3019 Grave Misconduct at paglabag sa Art. 201 of the Revise Penal Code (Direct Bribery) ang isinampang kaso laban sa suspek sa RTC Mandaue City.