KINUBRA na ng 45-anyos na janitor ang kalahati ng mahigit P9 na milyon jackpot prize na kanyang napanalunan sa 6/42 Lotto na binola noong Mayo 16 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.
Personal na iniabot ni PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II ang tseke sa lalaking janitor na taga Quezon City ang may kabuuang halagang P4,728,517.00 makaraang tumama ang tinayaang numero na 13-07-24-22-11-03 na hinugot niya sa araw ng kapanganakan ng kanyang kinakasama at dalawa nilang anak.
Sinabi ni Rojas na plano ng nagwagi na ibili ng bahay at lupa ang napanalunang salapi at gamitin sa matagal na nilang planong pagpapakasal ng kanyang kalive-in. Hindi pa kinukuha ng isa pang nagwagi ang kalahati ng kabuuang premyo na nakakuha rin ng tamang kombinasyon.