HINDI pinagbigyan ng Court of Appeals (CA) ang hirit ni Datu Andal Ampatuan, Jr. na ma-cite for indirect contempt ang abogado ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu matapos na pinal na ibasura ang kanyang petisyon.
Sa 1 pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Fernanda Lampas-Peralta, kinatigan ng CA ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 224 na nagbabasura sa indirect contempt na inihain ni Andal Jr. laban kay Atty. Nena Santos.
Ayon sa CA, bigo si Andal, Jr. na magsumite ng mga bagong argumento at ebidensya para baliktarin ng korte ang nauna nitong desisyon noong Marso, 2013.
Giit ni Andal, Jr. si Santos ay ilang beses nagpapa-interview sa media kung saan tinatalakay na nito ang merito ng kaso sa layuning mas palakasin ang laban ng kliyente nito at mas mapasama sila sa paningin ng publiko.
Bukod dito, nilabag din, aniya, ni Santos ang utos ng Korte na iwasan na ang paglalabas ng public statements na posibleng makaapekto sa kaso.