TARGET sa loob din ng linggong ito na magkaroon ng talakayan o diskusyon ang National Bureau of Investigation sa investigating team ng Taiwan kaugnay ng kani-kanilang mga findings sa naganap na insidente sa Balintang Channel noong Mayo 9.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, pinakahuling araw na ang Biyernes para gawin ang sitting down discussion.
Idinagdag pa ng kalihim na closed-door o hindi gagawing bukas sa publiko ang nasabing diskusyon.
Ang mga awtoridad umano sa Taiwan ang humiling ng nasabing diskusyon na sinang-ayunan naman ng panig ng Pilipinas dahil wala naman daw silang nakikitang masama sa nasabing talakayan.
Gayunman, binigyang diin ni de Lima na nananatili ang kanilang unawaan na hindi maaring ipagpilitan ng sinuman sa panig ng Taiwan o Pilipinas ang resulta ng kani-kanilang pagsisiyasat.
Nilinaw naman ng kalihim na walang magaganap na cross-checking sa mga nakalap na impormasyon at ebidensya.
Kung mayroon lamang umanong hindi malinaw sa aspeto ng imbestigasyon, maaring humingi ng paglilinaw sa nasabing talakayan ang sinuman sa panig ng Pilipinas at Taiwan investigating team.
The post Diskusyon ng NBI at Taiwan team, ‘di bukas sa publiko appeared first on Remate.