NA RESCUE ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) habang naaresto ang isa sa mga dumukot sa OFW sa ginawang rescue operation sa Talisay City sa Cebu.
Kinilala ni NBI Director Nonnatus Caesar R. Rojas ang suspek na si Ronelo Martel Roble, 47, ng Kalinaw 2, San Rafael, Talisay, Cebu habang nakatakas naman ang umano ay kasabwat na pulis na si PO3 Lee Colina, ng PNP Cebu City, at dalawang hindi nakilalang mga suspek.
Napatay naman sa naturang insidente ang isang miyembro ng naturang grupo na si Wane B. Tiano.
Sa isinumiteng report ng NBI-Central Visayas Regional Office (CEVRO) na pinamumunuan ni Regional Director Antonio M. Pagatpat, noong June 17, 2013, isang Minerva B. Laborada ang humingi ng tulong sa NBI upang mailigtas sa mga abductor si Reneboy Agraviador, OFW at sinasabing live-in partner ni Laborada.
Sa reklamo ni Laborada, sapilitang tinangay ng limang kalalakiha ang kanyang mister noong Hunyo 17 habang nasa junction ng Rabaya St., Talisay City, Cebu at Highway of Cebu South Road Properties (SRP).
Di kalaunan ay saka tinawagan ng mga kidnapper si Laborada at humihingi ng P50,000 ransom para nila palayain ang biktima.
Dahil dito, agad na plinano ang rescue operation kung saan pumayag si Laborada na makipagkita sa mga kidnapper sa Evergreen Cemetery sa SRP, Talisay City, Cebu.
Habang ginagawa ang pay-off ay kumilos ang NBI at dito nailigtas si Agraviador.
Nabatid na nagkaroon din ng palitan ng putok sa pagitan ng NBI operatives na ikinasugat ng ilang assets ng ahensiya habang namatay naman si Tiano at nadakip si Roble.
Nakatakas naman ang tatlo pa sa mga suspek na ngayon ay tinutugis na ng NBI.
Narekober sa katawan ni Tiano ang P50,000 at cell phone na ginamit ng grupo sa pakikipagnegosasyon, dalawang motorsiklo na ang isa ay pag-aari ng biktima, kalibe .45 na baril, wallet na may iba’t ibang cards at mga personal na gamit.
The post 1 OFW nasagip,1 sa KFR arestado appeared first on Remate.